ANG PAG-IBIG
ni Emilio Jacinto
Ika-6 na paksa sa mahabang sanaysay na Liwanag at Dilim
Sa lahat ng damdamin ng puso ng tao ay wala ngang mahal at dakila na gaya ng pag-ibig.
Ang katwiran, ang katotohanan, ang kabutihan, ang kagandahan, ang
Maykapal, ang kapwa tao ay siya lamang na mangyayaring maging sanhi ng
pag-ibig, siya lamang ang makapagpapabukal sa loob ng tunay at banal na
pag-ibig. Kung ang masama at di matwid ay ninasa rin ng loob ay hindi
ang pag-ibig ang may udyok kundi ang kapalaluan at ang kayamuan.
Kung ang pag-ibig ay wala, ang mga Bayan ay dili magtatagal, at
kapagkarakang mapapawi sa balat ng lupa ang lahat ng pagkakapisan at
pagkakaisa, at ang kabuhayan ay matutulad sa isang dahon ng kahoy na
niluoy ng init at tinangay ng hanging mabilis.
Ang pag-ibig, wala na kundi ang pag-ibig, ang makaaakay sa tao sa mga
darakilang gawa sukdang ikawala ng buhay sampung kaginhawahan.
Ngunit ang kadayaan at katampalasanan ay nag-aanyong pag-ibig din kung
minsan, at kung magkagayon na ay libo-libong mararawal na pakikinabang
ang nakakapalit ng kapatak na pagkakawanggawa, na nagiging tabing pa
mandin ng kalupitan at masakim na pag-iimbot. Sa aba ng mga bulag na
isip na nararahuyo sa ganitong pag-ibig!
Ang pag-ibig, wala na kundi ang pag-ibig, ang tanging binabalungan ng
matatamis na alaala ng nagdaan na at ng pag-asa naman sa darating. Sa
malawak na dagat ng ating kahirapan at kadustaan, ang pag-ibig ay siyang
nagiging dahil lamang kung kaya natin minamahal pa ang buhay.
Kung ang magulang ay walang pag-ibig sa anak, sino ang magbabatang
mag-iiwi ng kasanggulan? At mabubuhay kaya naman ang mga anak sa sarili
nila lamang? Kung ang mga anak kaya naman ay walang pag-ibig sa
magulang, sino ang magiging alalay at tungkod ng katandaan? Ang
kamatayan ay lalong matamis pa sa buhay ng matanda na nangangatal ang
tuhod at nanlalabo ang mga pagod na mata ay walang malingapang
makapag-aakay at makaaaliw sa kanyang kahinaan.
Ang pagkaawa sa ating mga kapwa na inilugmok ng sawing kapalaran
hanggang sa tayo’y mahikayat na sila’y bahaginan ng ating kamuntik na
kaluwagan; ang pagtatangkakal sa naaapi hanggang sa damayan ng panganib
at buhay; ang pagkakawanggawa na lahat kung tunay na umusbong sa puso –
alin ang pinagbuhatan kundi ang pag-ibig?
Ang tunay na pag-ibig ay walang ibinubunga kundi ang tunay na ligaya at
kaginhawahan. Kailan pa ma’t sapin-sapin ang dagan ng pinapasan ng
Bayang lipos sa kadukhaan at lungkot ay dahil ang tunay na pag-ibig ay
di siyang naghahari kundi ang taksil na pita sa yama’t bulaang
karangalan.
Sa aba ng mga Bayang hindi pinamamahayan ng wagas at matinding pag-ibig!
Sa pag-ibig nunukal ang kinakailangang pagdadamayan at pagkakaisang
nagbibigay ng di-maulatang lakas, maging sa pag-aabuluyan at
pagtutulungan ng isa’t isa, maging sa pagsasanggalang ng mga banal na
matwid ng kalahatan.
Sa aba ng mga Bayang hindi pinamamahayan ng pag-ibig at binubulag ng
hamak na pagsasarili! Ang masasama ay walang ibang ninanasa kundi ang
ganitong kalagayan, at inuululan pa’t pinapasukan ng mga pagkakait,
kaguluhan, pagtataniman, at pagpapatayan, sapagkat kinakailangan ng
kanilang kasamaan na ang Anak ng Bayan ay magkabukod-bukod upang kung
mahina na’t dukha sa mga pag-iiringan ay makapagpasasa sila sa kanyang
kahinaan at kadukhaan.
O, sino ang makapagsasaysay ng mga himalang gawa ng pag-ibig?
Ang pagkakaisa na siya niyang kauna-unahang nagiging bunga ay siyang
lakas at kabuhayan; at kung nagkakaisa na’t nag-iibigan, ang lalong
malalaking hirap ay magaang pasanin at ang munting ligaya’y nilalasap na
malaki. Kung bakit nangyayari ang ganito ay di matatalos ng mga pusong
hindi nagdadamdam ng tunay na pag-ibig sa kapwa.
At upang mapagkilalang magaling na ang pag-ibig ay siya ngang susi at
mutya ng kapayapaan at ligaya, ikaw na bumabasa nitong magugulong
talata: Mapagnanakawan mo kaya, mapagdadayaan o matatampalasan ang iyong
ina’t mga kapatid? Hindi nga, sapagkat sila’y iyong iniibig, at bagkus
pang dadamayan ng dugo at sampu ng buhay kung sila’y makikitang inaapi
ng iba.
Gayon din naman kung ang lahat ng mag-iibigan at magpapalagayang tunay
na magkakapatid. Mawawala ang mga pag-aapihan, ang lahat ng nagbibigay
ng madlang pasakit at di-mabatang mga kapaitan.
Kung ang pag-ibig sa kapwa ay wala, nilulunod ng malabis na pagsasarili
ang magagandang akala. Ang mga tapat na nais at ang tinatawag na
marunong ay ang mabuting magparaan upang magtamasa sa dagta ng iba; at
ang tinatawag na hangal ay ang marunong dumamay sa kapighatian at
pagkaaping kanyang mga kapatid.
Maling mga isip at ligaw na loob ang nananambitan hinggil sa mga hirap
ng tao na inaakalang walang katapusan! Sukat ang mamahay at manariwang
muli sa mga puso ang wagas na pag-ibig sa kapwa at ang tinatawag na
bayan ng hinagpis ay matutulad sa tunay na paraiso.
No comments:
Post a Comment